Pandiwa: Panitikan at Diwa para sa Kultura ng Pagbabago

Pagbati ng kapayapaan at pagkakaisa!

Sumibol noong dekada 70 mula sa sinapupunan ng Bundok Makiling at patuloy na yumayabong at ginagalugad ang pasikut-sikot ng panlipunang realidad upang maghanap ng inspirasyon para sa mga akda, ang UPLB Writers’ Club ay isang organisasyon ng mga kabataang manunulat at tagapag-sulong ng panitikang nakikisangkot na naka-base sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños.

Bahagi ng adbokasiya ng organisasyon ang pagalalay at pakikipagtulungan sa mga indibidwal at organisasyong pang-manunulat sa Timog Katagalugan upang itaas ang antas ng kanilang kasanayan at maglunsad ng mga programa at aktibidad na magsusulong ng panitikan sa buong rehiyon. Kaugnay nito, maglulunsad ang Writers’ Club, kaagapay ang UPLB Office for Initiative in Culture and the Arts, ng isang kongreso ng manunulat sa darating na Pebrero 26-27, 2013 sa D.L. Umali Auditorium, UP Los Baños.

Pinamagatang “Pandiwa: Panitikan at Diwa para sa Kultura ng Pagbabago,” ang nasabing kongreso ay dadaluhan ng iba’t ibang manunulat mula sa mga kolehiyo sa Timog Katagalugan. Magkakaroon ng mga diskusyon at palihan na hatid ng mga premyadong manunulat ng bansa, kabilang na si Dr. Bienvenido Lumbera (tinaguriang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 2006), mga kapita-pitagang myembro ng akademya at mga manunulat na ginawaran ng premyong Don Carlos Palanca.

Magiging minimal lamang ang singil para sa pagpapatala, na itinakda sa halagang Php 450, na sasagot sa bahay-tulugan para sa gabi ng Pebrero 26 at pagkain para sa dalawang araw.

Malugod namin kayong iniimbitahan na makilahok sa nasabing kongreso. Para sa mga dagdag na detalye, maaaring sumangguni sa konsepto ng proyekto na nasa ibaba at sa programa ng kongreso na makikita sa link na ito: http://tinyurl.com/b75ur6l

KONSEPTO NG PROYEKTO

Pinagmulan ng Proyekto

Hindi maaaring kaligtaan ang panitikan—at sining sa pangkalahatan—kahit sa isang science-oriented na komunidad katulad ng UP Los Baños, sapagkat ito ay kakabit ng konsyensya at kaluluwa ng lipunan. Hindi rin maaaring isantabi ang pangangailangan ng mga manunulat sa buong rehiyon ng Timog Katagalugan na magtipon-tipon upang sama-samang talakayin ang mga mahahalagang usapin hinggil sa kalagayan ng panitikan sa bansa at ang pakikipag-tuwangan ng bawat isa sa pagpapaunlad ng kanilang kasanayan sa literatura.

Dahil dito, malaki ang nakapatong na responsibilidad sa bawat manunulat na palawakin ang kamulatan ng isa’t isa at ng mamamayan hinggil sa panitikan at ang kaugayan nito sa lipunang kanilang ginagalawan. Bilang pagkilala sa ganitong tungkulin, napagpasyahan ng UPLB Writers’ Club na maglunsad ng isang rehiyonal na kongreso ng mga manunulat, kung saan tatalakayin ang iba’t ibang kagyat na usapin patungkol sa kalagayan ng panitikan at ang partikular na tungkulin ng manunulat sa kanyang lipunan.

Kahalagahan

Naglalayon ang aktibidad na ito na mapaigting ang ugnayan ng sining at lipunan, at papasubalian ang konsepto ng “sining na naglilingkod sa sining”. Pangunahing makikinabang ang mga mag-aaral ng kolehiyo mula sa iba’t ibang pamantasan sa Timog Katagalugan.

Magiging daluyan ng malaya at makabuluhang talakayan ang nasabing kongreso, at magsisilbing unang hakbang upang mapatibay ang pagkakaisa ng iba’t ibang manunulat sa buong Timog Katagalugan.

Deskripsyon ng Proyekto

Kakatangian ng mga masiglang talakayan ang gaganaping kongreso. Magi-imbita ng mga kilalang personahe sa larangan ng panitikan at kritisismo upang magbigay ng mga expertong diskusyon at pananaw sa maraming paksa hinggil sa literatura.

Magkakaroon ng mga lektura, maliliit na diskusyong pang-klasrum, at iba’t ibang aktibidad na naglalayong magbahagi ng kaalaman sa mga pundamental at mas abanteng konsepto sa panitikan.

Dalawang araw tatakbo ang buong aktibidad, mula Pebrero 26-27, 2013, at gaganapin sa D. L. Umali Auditorium sa UP Los Baños.

Tema

Pandiwa: Panitikan at Diwa para sa Kultura ng Pagbabago” ang napiling maging pamagat at tema ng kongreso bilang pagkilala sa makasaysayang ambag ng mga manunulat sa panlipunang pagbabago, katulad ng ipinamalas ng ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal.

Para sa mga interesadong maging bahagi ng Pandiwa, maaaring ibigay ang inyong kumpirmasyon bago sumapit ang ika-18 ng Pebrero 2013 sa sumusunod na numero:

09273377557 | 09324250423 | 09474303443

About these ads
Tagged , , , ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: