KINAKAILANGANG PATLANG*

tumalsik-kumapit ang mga titik

sa laylayan ng pantalon

at nilisan ang aking gunita na isang peryang-nayon
ng mga abuhing aninong kapisan buong magdamag

sa bukid
kung saan sabay nating pinanday
ang ating dalumat.

Walang paghahalubilong naganap
sa pagitan ng mga alitaptap at alapaap
ng magkahiwalay nating daigdig

sa magkahalinhinang paghinga
sa hindi namalayang pagsara’t
kimkim
na panginginig
ng ‘yong mga talukap

sa gitna ng mga sulyap

(sa mga bumubukang talulot ng rosas
ng ‘yong pagngiti
sa pagbubukang-liwayway
ng aking taimtim na kalungkutan)

(‘Sang-iglap na sulyap)

sa tikom na bibig ng nagaapuhap na alon
na kumakaway sa ating pag-alis
habang walang iniiwang kung anumang pabaon
maliban sa mahamog na pangako ng panunumbalik

Ngayon,
sa sandaling ito
ng pagbabalsa ng araw
sa kunot na noo ng dagat
isisilang ang mga kinakailangang patlang
na mananahan at uukilkil
sa aking diwa

habang

“Mahal kita,” ang kinulimbat na tugon
ng mga pader
ng ulilang kwartong kahuntahan ko
kaninang umaga.

 

*tula ni CR Buendia

Leave a comment